Bacteria sa Dagat Nakamamatay

Ilang tao na ang naiulat na namatay sanhi ng isang bacteria sa dagat. Ayon sa ABC Action News sa Amerika, may namatay na sa Sarasota County dahil sa bacteria na tinatawag na vibrio vulnificus. Ang bacteria na ito ay nabibilang sa mga klase ng bacteria na nagdudulot ng Cholera at natatagpuan ito sa maligamgam na tubig-alat. Base sa ulat ng Florida Department of Health: “Yamang ito’y likas na matatagpuan sa maligamgam na tubig ng dagat, nanganganib ang mga taong may nakabukang sugat sa Vibrio vulnificus kapag sila’y nabasa ng tubig-alat.”

Ayon sa pinakahuling ulat, tatlumpu’t dalawa na ang naospital, at sampung katao na ang namatay dahil sa Vibrio vulnificus bacteria sa karagatan ng Florida. Noong 2013, apatnapu’t isa ang tinamaan at labing-isa ang pumanaw. Hindi lamang ito namataan sa Florida. Maging sa Alabama, Louisiana, Texas at Mississippi ay may naiulat na ring mga kaso.

“Nakapanlulumo dahil ang beach ang isa sa mga pinakasikat na libangan dito sa Florida,” wika ni Tracy Brown ng West Palm Beach. Ayon kay Brown na masayang naglilibang sa beach kasama ang kaniyang anak na babae, wala pa siyang nabalitaan tungkol sa Vibrio bacteria. Nagitla siya nang malaman na maaaring magkasakit sa simpleng pagtapak lamang sa tubig-dagat.

Pinayuhan ng mga dalubhasa ng Florida Department of Health ang sinumang may kahinaan sa kanilang immune system o sinumang may nakabukang sugat na huwag lalapit sa tubig-dagat. Kung mayroon mang tatalon sa dagat, siguraduhin nilang maghugas nang mabuti bago sila umuwi.

“Kailangan talaga nating maging seryoso sa bagay na ito, pero may ilan pang mga bacteria na makakasalamuha natin,” sabi ni Tim O’Connor, tagapahayag ng Florida Department of Health.

Bukod sa tubig, ang mapanganib na bacteria na ito ay maaaring makuha sa pagkain ng hilaw na seafood gaya ng talaba (oysters). Kaya, kung may balak kang pumunta sa dagat, alaming mabuti ang lahat ng paraan upang maging ligtas sa anumang panganib.

Sanggunian: http://www.abcactionnews.com/news/state/flesh-eating-bacteria-vibro-vulnificus-in-florida-ocean-hospitalizes-32-kills-10

Advertisements